Ang Kuneho at ang Pagong

Isang araw ay nagkasalubong sa daan ang Kuneho at ang Pagong.

Ngingisi-ngising inaglahi ng Kuneho ang Pagong.

"Hoy, Pagong," sigaw ng Kuneho, "pagkaikli-ikli ng mga paa mo at pagkabagal-bagal mong lumakad."

Hindi ipinahalata ng Pagong na siya ay nagdamdam. Upang patunayang may maipagmamalaki din naman ay sinagot niya ang mayabang na kalaban.

"Aba, Kuneho, maaaring mabagal nga akong maglakad pero nakasisiguro akong matatalo kita sa palakasan. Baka gusto mong pabilisan tayong makaakyat sa tuktok ng bundok pagsikat ng araw bukas! Tinatanggap mo ba ang hamon ko?"

Tuwang-tuwa ang Kuneho sa hamon ng Pagong. Nakasisiguro siyang sa bagal ng Pagong ay tiyak na mananalo siya. Upang mapahiya ang Pagong ay pinagtatawag ng Kuneho ang lahat ng kamag-anak niya. Pinulong niya ang mga ito at inutusang palakpakan siya kapag matagumpay na naakyat na niya ang tuktok ng bundok. Iniutos din niyang kantiyawan sa mabagal na pag-usad ang kalaban.

Maagang-maagang dumating sa paanan ng bundok ang maglalaban.

Maaga ring dumating ang iba't ibang hayop na tuwang-tuwang makasasaksi ng isang tunggalian.

Kapansin-pansing kung maraming kamag-anak si Pagong ay higit na maraming kamag-anak ni Kuneho ang nagsulputan.

Nang sumisikat na ang araw ay pinaghanda na ng Alamid ang maglalaban. Ang mabilis na pagbababa ng kaniyang kanang kamay ang hudyat na simula na ang laban.

Sabay na gumalaw paakyat ng bundok ang magkalaban. Mabilis na tumalun-talon ang mayabang na Kuneho paitaas na parang hangin sa bilis. Nang marating na niya ang kalahatian ng bundok at lumingon paibaba ay natanawan niya ang umiisud-isod na kalaban.

Maraming naawa sa mabagal na Pagong.

"Kaya mo yan! Kaya mo yan!" pagpapalakas ng loob na sigaw ng kaniyang tatay, nanay, kuya, ate, at mga pinsan.

"Talo na yan! Talo na yan! Pagkabagal-bagal!" sigaw na panunudyo ng mga kamag-anak ni Kuneho.

Kahit kinukutya ay sumige pa rin si Pagong. Buong loob siyang nagpatuloy sa pag-isod.

Malayung-malayo na ang naakyat ni Kuneho. Nagpahinga ito ilang sandali upang tanawin ang anino ng kalaban. Nang walang makitang anumang umuusad ay ngingisi-ngising sumandal ito sa isang puno at umidlip.

Kahit na sabihing napakabagal umusad ay pinagsikapan ng Pagong na ibigay ang lahat ng lakas upang unti-unting makapanhik sa bundok.

Nang matanawang himbing na himbing sa pagtulog ang katunggali ay lalong nagsikap umisud-isod pataas ang pawisang Pagong.

Palabas na ang araw nang magising si Kuneho. Nanlaki ang mga mata nito nang matanawang isang dipa na lamang ang layo ng Pagong sa tuktok ng bundok.

Litong nagtatalon paitaas ang Kuneho upang unahan si Pagong. Huli na ang lahat sapagkat narating na ng masikap na Pagong ang tuktok ng tagumpay.

Aral: Ang pagsisikap ay ginagantimpalaan at ang pagpapabaya ay pinarurusahan.

See also

This website is dedicated to all Filipino people who love their country, the Philippines.

The purpose of this website is to help all Filipinos, most importantly the Filipino students in their upbringing, not just in their studies in schools, but also during their leisurely time online. Who said fun is all about playing games?

Currently, we have articles about Filipino folklore including short stories, fables, parables, myths, and legends. Biographies of Filipino national heroes and other famous people in Philippine history that are written both in Tagalog and English are also available.

Soon to include information about Filipino games here in the Philippines, from the old traditional games that children used to play, to the most latest online games now being played at their very own homes or in an Internet Cafe such as Level Up's games Ragnarok and Crazy Kart, e-Games' Ran Online....