Isang bayaning nag-alay ng buhay sa bansa si Jose Rizal. Siya ay ipinanganak noong Hunyo 19, 1861 sa Calamba, Laguna. Ama niya si Francisco Mercado Rizal na taga-Binan. Ina naman niya si Teodora Alonzo Realonda na taga-Maynila. Sampu lahat ang mga kapatid ni Jose. Kasama rito sina Saturnina, Paciano, Narcisa, Olimpia, Lucia, Maria, Concepcion, Josefa, Trinidad at Soledad.
Kabilang sa mga mayayaman ang pamilya nina Jose. Sa katunayan malaking-malaki ang bahay na ipinatayo nila sa sentro ng Calamba.
Tatlong taon pa lamang ay natutuhan na ni Jose mula sa kanyang ina ang pagbasa ng alpabeto. Ang pormal na pag-aaral ay una niyang naranasan sa pamamahala ni Don Justiniano Aquino Cruz, isang guro sa Binan. Lalong napalayo si Jose sa mga magulang nang ipasok siya sa Colegio de San Juan de Letran. Sapagkat matalinong estudyante, hinangaan siya ng mga guro at mga kamag-aral sa nasabing paaralan. Noong nagkaroon ng problema sa lupa si Dona Teodora laban sa mga paring Dominiko sa Calamba, napilitang umalis si Jose sa Dominikong paaralang kaniyang pinapasukan. Lumipat siya sa Ateneo.
Sa paaralang Heswita nabuo kay Jose ang tiwala sa sarili. Sa nasabing paaralan, lalo siyang tumalino at humusay. Nakuha niya ang titulong emperador nang tanghalin siyang pinakamatalinong estudyante sa Ateneo. Sa nasabing paaralan kinilala siya sa pagsusulat. Dito niya isinulat ang mga sumusunod na akda sa Espanyol: Felicitacion, Por La Educacion Recibe Lustre La Patria Un Recuerdo, A Mi Pueblo at El Heroismo de Colon. Tinanggap niya ang diploma sa Bachilereto sa Sining noong 1877.
Pumasok si Jose sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1878 upang kumuha ng Medisina. Sa nasabing unibersidad, ipinagpatuloy niya ang pagsusulat. Kinagiliwan ng lahat ang kaniyang tulang A La Juventud Filipino at Junto Al Pasig. Tuwang-tuwa si Jose nang manalo ng pinakamataas na karangalan ang Los Consejos de los Dioses, pero nanlumo siya nang ipagkaloob ang premyo sa isang Espanyol na pinaboran ng mga hurado. Ang nasabing karanasan ang nakapagpadagdag sa kaniyang paghusga sa mga paring Dominiko na sa pakiwari niya ay may kinikilingan sa pagtrato.
Minsang nagbabakasyon si Jose sa Calamba ay nadagdagan ang negatibong karanasan niya sa mga Espanyol. Hindi lang siya nakapagbigay galang kay Tinyente Porto isang gabi ay pinarusahan na siya nito. Ito ang nagtulak sa kanya upang sa ibang bansa na mag-aral.
Sa Unibersidad Central de Madrid sa Espanya siya nagpatuloy mag-aral ng Medisina. Sapagkat galit sa kawalang katarungang nangyayari sa Pilipinas, nagpatuloy siyang magsulat. Isinulat niya sa Espanya ang Me Piden Versos at El Amor Patrio. Isinulat din niya sa pahayagang La Solidaridad ang kritismong Los Indolencios de Filipinos na nagpapatunay na hindi mga tamad ang mga Pilipino, taliwas sa paniniwala ng mga Espanyol.
Natapos ni Jose ang Medisina noong 1884. Nagpunta siya sa Paris noong 1885 upang mamasukan sa klinika ng optalmologong si Dr. Louis de Wecker. Nagtungo rin siya sa Alemanya noong 1886 upang makipagpalitang kuro sa mga sikat na manggagamot na sina Dr. Otto Becker at Dr. Hans Mever. Sa pag-ikot niya sa iba't ibang bansa, isinusulat niya ang dalawang nobelang iaambag niya sa pinapangarap na pagpapalaya sa Pilipinas.
Naisulat niya at naipalimbag ang Noli Me Tangere sa tulong ni Dr. Maximo Viola noong 1886 at ang El Filibusterismo noong 1891 sa tulong ni Valentin Ventura. Ginising ng dalawang nobela ang natutulog na isipan ng mga Pilipino upang magkasama-sama sa pag-aalsa laban sa pamahalaang Kastila.
Isinama siyang presong detenido sa paglalayag sa ibang bansa. Nang sumabog ang rebolusyon noong 1896 ay pinabalik si Jose sa Pilipinas upang usigin at hatulan. Pinaratangan siya sa salang rebelyon, sedisyon at ilegal na pag-oorganisa ng mga asosasyon laban sa pamahalaan. Kamatayan ang hatol kay Jose.
Nang gabi bago barilin si Jose ay tinapos niya ang tula niyang Mi Ultimo Adios at pinakasalan si Josephine Bracken.
Disyembre 30, 1896 nang ilabas sa Fort Santiago si Jose at dalhin sa Bagumbayan. Inialay ni Jose ang buhay alang-alang sa ikalalaya ng mga Pilipino. Maliit na tao lamang si Dr. Jose Rizal pero malaking-malaki ang pagpapahalaga ng lahat sa kaniyang kabayanihan, kadakilaan at karangalan.