Sino kaya ang mas malakas, ang araw o ang hangin? Madalas daw ay nag-aaway itong dalawang ito noong araw dahil sa nagpapalakasan nga.
Isang araw, sinabi ng hangin, "O, gusto mo ba talagang patunayan ko na mas malakas ako kaysa iyo?"
Ngumiti ang araw. "Sige, para hindi ka laging nagyayabang, tingnan natin. Hayun, may lalakeng dumarating. Kung sino sa ating dalawa ang makakapagpaalis ng suot niyang polo, siya ang kikilalaning mas malakas."
"Payag ako. Ngayon din", magkakasubukan tayo, "malakas na sagot ng hangin. "Ako ang uuna," dugtong pa niya dahil ayaw niyang maging pangalawa sa anumang labanan.
Sinimulan niyang hipan ang naglalakad na lalake. Sa umpisa ay tila nagustuhan ng tao ang hihip ng hangin kaya naging masigla at bumilis ang lakad nito.
Nilakasan ng hangin ang paghihip. Isinara ng tao ang lahat ng butones hanggang sa may leeg ng kanyang polo. Inubos ng hangin ang buong lakas sa paghihip. Lalo namang pinakaipit-ipit ng mga braso ng lalake ang damit dahil tila giniginaw na siya.
Nanghina na nang katakut-takot ang hangin sa paghihip niya ay talagang hindi niya makuhang mapaalis ang damit ng lalake. "Sige," sigaw niya sa araw. "Tingnan naman natin ang galing mo. Marahil, hindi mo rin naman mapapahubad ang taong iyon."
Pinalitaw ng araw ang sinag niya, at unti-unti niyang pinainit ito. Tumulo ang pawis ng lalake. Dinagdagan pa ng araw ang init na inilalabas niya, at ang lalake ay nagkalas ng mga ilang butones sa baro.
Maya-maya, nang uminit pang lalo ang araw, hindi na nakatiis ang tao at tinanggal nang lahat ang mga butones ng polo at hinubad ito. Panalo ang araw! Mula noon, di na nagyabang uli ang hangin.