Noong unang mga panahon, laganap pa sa kapaligiran ang mga punong siyang maaaring panirahan ng mga kuliglig. Kakaunti pa ang tao sa mundo, masagana ang kabukiran.
Isang araw, ang Buwan at ang Araw ay naglalakbay sa alapaap. Masaya ang mag-asawang ito. Gwapo ang Araw at maganda ang Buwan. May anak silang lalaki. Mahal na mahal nila ang anak nilang ito. Masaya silang namumuhay na mag-anak.
Ang kasayahan nilang mag-anak ay ginulo ng isang alitan. Nagsimula lamang iyon sa isang munting pagtatalo, hanggang sa magpalitan na sila ng mabibigat na mga salita. Nagalit si Buwan. Inihampas ang walis sa pisngi ni Araw. Umalis si Araw dahil sa malaking galit sa asawa.
Isang araw, habang pinaliliguan ni Buwan ang kanilang anak biglang dumating si Araw. Isinaboy niya sa mukha ni Buwan ang dalang mainit na tubig. Napasigaw si Buwan. Nasira ang magandang mukha nito. Dahil sa kabiglaan ni Buwan sa nangyari sa kanya, nabitiwan niya ang kanyang anak at nahulog ito sa lupa.
Sinasabing ang anak na ito ang naging kuliglig. Umiiyak ito tuwing lumulubog na ang araw sa kanluran. Nais niyang makita ang kanyang mga magulang na matagal nang nawalay sa kanya. Dahil naman sa pagkakagalit ng mag-asawa hindi na sila nagsamang muli. Kung araw lamang makikita si Araw, kung gabi naman makikita si Buwan.