Isang umaga inarkila ng isang manlalakbay ang Buriko ng isang magsasaka.
Nang lumabas sa kulungan ang Buriko ay sumakay na ang manlalakbay habang sumusunod naman ang magsasaka sa likuran. Upang mabilis-bilis na lumakad ay pinapalu-palo ng magsasaka ang likod ng Buriko.
Mainit na mainit ang kapaligiran kaya ang tatlo ay pawisang-pawisan. Kapag nakakatisod ng malaking bato ay nawawala sa balanse ang Buriko. Ikinatitiwarik ito ng manlalakbay na pagewang-gewang sa pagkakaupo niya sa ibabaw.
Tulak dito, hila diyan.
Pawisan ang manlalakbay. Humihingal naman ang magsasakang nasa likuran. At ang Buriko? Pawisan na, hihingal-hingal pa bukod sa mga palong lumalatay sa likuran niya. Kaawa-awa talaga ang Burikong sinakyan na ay minaltrato pa.
Mabuti at naisipan ng manlalakbay na magpahinga muna. Sapagkat disyerto ang kapaligiran ay wala silang makitang punong mapagpapahingahan.
Nang mapansin ng magsasaka at manlalakbay na tanging anino lang ng Buriko ang mapagpapahingahan ay nag-unahan ang dalawa sa munting silungan.
"Aba, aba. Akin ang pahingahang iyan," pag-aangkin ng manlalakbay, "ako ang may karapatan diyan sapagkat ako ang umarkila sa Buriko."
"Teka!" giit ng magsasaka. "Akin ang Buriko kaya akin din ang anino nito."
"Akin ito!" giit ng manlalakbay.
"Hindi. Akin ito," galit na pagpupumilit ng magsasaka.
Sinuntok ng magsasaka ang manlalakbay na ikinatumba nito. Hinila naman ng manlalakbay ang paa ng magsasaka na ikinagulong nito sa buhanginan.
Buntalang umaatikabo. Suntukang punung-puno ng galit. Murahan, sigawan. Nang matanawan ng Burikong duguan ang mga mukha ng nagsisipaglabang galit na galit na nagsisigawan ay nagtatakbo ito sa takot. Wala itong anumang dala kundi ang aninong pinagtatalunan ng dalawang sakim na kaluluwa.
Aral: Ating pasalamatan ang sinumang pinagkakautangan.